Showing posts with label ulan. Show all posts
Showing posts with label ulan. Show all posts

Monday, August 24, 2009

paano ba maging matatag?


nasubukan mo na bang umiyak nang dahil lamang may nakita kang umiiyak rin? kung baga nakiiyak ka lang, nang dahil sa nasaksihan mo ay nasundot ang matagal nang nakahimlay na damdamin sa iyong puso at nakakita nang pagkakataon ang iyong mga luha upang humulagpos at lumaya sa mga mata mong naging kulungan nila.

pero paano kung ang umiiyak na iyon ay isang taong malapit sa iyo? isang taong masasabi mong nakinig sa iyong mga kadramahan, katarantaduahan, umintindi sa iyong mga kapilyuhan at nagpasensiya sa iyong mga pagmamalabis at mga pagkukulang, at ngayon ay kailangan niya nang isang taong malakas na pwede niyang masasandalan sa panahong siya ay nalulugmok, iiyak ka pa ba?

akala nila malakas ako, matatag, dahil iyon ang ipinakita ko, at iyon ang nakikita nila sa akin, pero ang hindi nila alam mababaw lang ang luha ko, na madali akong masaktan, hindi ako makatagal kapag may mga umiiyak, umaalis agad ako nang hindi nila namamalayan at naghahanap nang lugar na hindi nila nakikita at doon ko binibigyang laya ang aking mga luhang pumatak at rumagasa, o kaya ay magsindi nang yosi upang matakpan nang usok ang mga luhang sumusungaw sa aking mga mata.

hindi ko alam kung paanong gagawin ko, pero kailangan kong magpakatatag, ang lumakad nang nakataas pa rin ang noo at maging pader na pwedeng sandalan, kanlungan at magsilbing proteksiyon sa unos na dumaraan sa kanyang buhay.

kaibigang matalik ang turing niya sa akin, ako namay itinuring na siyang kapuso at kapamilya, lagi niya akong iniintindi at kinukunsinti kung minsan, malapit siya sa aking puso kung kayat napakahirap pigilin ang mga emosyong nagpupumilit lumabas lalo na kapag naguunahan na ang mga luha sa kanyang mga mata.

alam ko pinipigilan din niya ang kanyang sarili sa pagiyak subalit hindi talaga maiiwasang may mga pagkakataong natutulala siya, tumatawa nga pero tawang hangang sa kanyang mga labi lamang.

mahirap palang sabihing magiging okey din ang lahat lalo na kapag alam mong alam niya na hindi okey, para kang sinasakal, para kang sinasaksak, pero kailangan mong maging matatag at maging positive para hindi siya malugmok nang tuluyan.

mahirap palang magpakatatag, mahirap palang magkunwaring hindi nasasaktan, mahirap palang maging sandalan, pero kahit gaano pala kahirap basta para sa isang tunay na kaibigang nangangailangan nang tulong may mga kaibigan din palang lalabas at tutulong sa paglalakbay.

napatunayan ko ito sa aking sarili, mahirap pero alam ko hindi ako nagiisa, nauna lang siguro akong bigyan nang pagkakataon upang ito ay makita.

Thursday, June 4, 2009

ang homework ni bunso? o ni kuya?



Unang lingo palang nang pasukan inulan na agad, kaya sigurado may mga klasroom na namang lubog na sa tubig at siguradong ang ilang mga magaaral kung hindi pinapasok nang mga magulang ay tinamad nang pumasok. Baha na kasi sa ilang bahagi nang maynila sa halos isang linngo nang pabugso bugsong ulan.

Pero ako inuulan ako nang text at mga tanong nang aking bunsong kapatid patungkol sa kanyang mga takdang aralin, unang baitang palang siya sa mataas na paaralan at ipinangako ko kasi na kapag mataas ang kanyang mga grades ay dito siya sa maynila magaaral nang college, pero hindi ko naman sinabing sa akin siya magtanong nang kanyang mga takdang aralin, anak nang tipaklong talaga aheheheks...

mabuti nalang at may internet na sumasagot sa mga takdang aralin ni bunso. ang tagal ko na kayang wala sa paaralan at inaamag na ang aking utak sa mga tanong na walang kinalaman sa aking trabaho ngayon.

Hindi ko sinasagot nung una, ayun nanay ko na nagtext at umiiyak na daw dahil hindi din daw alam ni nanay ang sagot, hindi ko tuloy alam kung matutuwa ako dahil ipinapakitang pursigido o maiinis ako dahil kinukulit ang aking inaamag nang utak aheheheks...

Ewan ko ba kung bakit at paano silang nakakapagaral nang walang mga aklat, paano nalang yung ibang magaaral na walang mga kapatid upang tumulong sa kanilang takdang aralin? Ganon ba talaga sa public school? walang mga books?

Pinapahiram ko yung aklat nang kanilang teacher para ipa xerox niya upang magkaroon siya ng reference, sana nga lang pumayag, hay naku...

Wednesday, June 3, 2009

May bagong Uso...


Ayan official na, idineklara na kahapon ang pagdating nang tagulan, ibig sabihin...

Uso na naman ang mga payong, kapote, sumbrero, at kung ano ano pang pwedeng panangga sa ulan upang hindi ka dapuan nang sakit.

at higit sa lahat....

Uso na ulit ang mga baha, sipon, alipunga, at mabahong paa mula sa pagkababad sa basa mong sapatos at medyas at kung ano ano pang sakit sa balat na pwedeng makuha sa paglusong mo sa maitim na tubig baha mula sa ibat ibang parte nang maynila.

Uso na ulit ang pagpaiinit nang tubig para makaligo, o kaya ay wisik wisik na lang dahil sa sobrang lamig nang tubig mula sa gripo.

Uso na naman ang mga maliliit na tulay na may bayad, o kaya ay mga pabuhat, at higit sa lahat mas mataas na naman ang singil ni mamang pedicab driver na sinasamantala ang pandidiri mo sa tubig baha na ayaw mong suungin dahil bukod sa maiitim na ay mabaho pa.


Uso na naman ang mga batang kalye na nagtatakbuhan sa ulan nang hubad, at ang mga pipit na may kasama pang itlog nang pugo ay lulundag lundag na naman sa maiitim na tubig baha sa kahabaan nang kalsada.

Nakakatuwang pagmasdan ang mga paslit sa kanilang paglalaro sa ulan, ang kanilang habulan, harutan at tawanan sa ilalim nang tulay, habang nakikipagpatitero sila kay kamatayan sa pagdaan nang mga jeep at iba pang sasakyan.

Nakakadiri ding pagmasdan ang paglutang nang mga nalunod na daga, ipis at kung ano ano pang hayop na nakatira sa mga imburnal at ngayon ay sumasama sa agos, patungo sa iyong kinatatayuan.

Nakakabuwisit isipin na ang lahat nang ito ay pwede sanang maiwasan kung hindi iniwang nakatiwangwang at sana ay tinapos na ang hindi matapos tapos na paghuhukay sa ibat ibang parte nang kalsada, na siya nagdudulot nang mas matinding pagbaha.

Anak nang Tipaklong.....

kelan kaya mababago ang usong yan?...