Showing posts with label kaibigan. Show all posts
Showing posts with label kaibigan. Show all posts

Monday, August 24, 2009

paano ba maging matatag?


nasubukan mo na bang umiyak nang dahil lamang may nakita kang umiiyak rin? kung baga nakiiyak ka lang, nang dahil sa nasaksihan mo ay nasundot ang matagal nang nakahimlay na damdamin sa iyong puso at nakakita nang pagkakataon ang iyong mga luha upang humulagpos at lumaya sa mga mata mong naging kulungan nila.

pero paano kung ang umiiyak na iyon ay isang taong malapit sa iyo? isang taong masasabi mong nakinig sa iyong mga kadramahan, katarantaduahan, umintindi sa iyong mga kapilyuhan at nagpasensiya sa iyong mga pagmamalabis at mga pagkukulang, at ngayon ay kailangan niya nang isang taong malakas na pwede niyang masasandalan sa panahong siya ay nalulugmok, iiyak ka pa ba?

akala nila malakas ako, matatag, dahil iyon ang ipinakita ko, at iyon ang nakikita nila sa akin, pero ang hindi nila alam mababaw lang ang luha ko, na madali akong masaktan, hindi ako makatagal kapag may mga umiiyak, umaalis agad ako nang hindi nila namamalayan at naghahanap nang lugar na hindi nila nakikita at doon ko binibigyang laya ang aking mga luhang pumatak at rumagasa, o kaya ay magsindi nang yosi upang matakpan nang usok ang mga luhang sumusungaw sa aking mga mata.

hindi ko alam kung paanong gagawin ko, pero kailangan kong magpakatatag, ang lumakad nang nakataas pa rin ang noo at maging pader na pwedeng sandalan, kanlungan at magsilbing proteksiyon sa unos na dumaraan sa kanyang buhay.

kaibigang matalik ang turing niya sa akin, ako namay itinuring na siyang kapuso at kapamilya, lagi niya akong iniintindi at kinukunsinti kung minsan, malapit siya sa aking puso kung kayat napakahirap pigilin ang mga emosyong nagpupumilit lumabas lalo na kapag naguunahan na ang mga luha sa kanyang mga mata.

alam ko pinipigilan din niya ang kanyang sarili sa pagiyak subalit hindi talaga maiiwasang may mga pagkakataong natutulala siya, tumatawa nga pero tawang hangang sa kanyang mga labi lamang.

mahirap palang sabihing magiging okey din ang lahat lalo na kapag alam mong alam niya na hindi okey, para kang sinasakal, para kang sinasaksak, pero kailangan mong maging matatag at maging positive para hindi siya malugmok nang tuluyan.

mahirap palang magpakatatag, mahirap palang magkunwaring hindi nasasaktan, mahirap palang maging sandalan, pero kahit gaano pala kahirap basta para sa isang tunay na kaibigang nangangailangan nang tulong may mga kaibigan din palang lalabas at tutulong sa paglalakbay.

napatunayan ko ito sa aking sarili, mahirap pero alam ko hindi ako nagiisa, nauna lang siguro akong bigyan nang pagkakataon upang ito ay makita.

Monday, April 27, 2009

patawad....



Nagkawindang windang ang buhay ko, nawalan nang direksiyon at basta nalang nagpagugulong gulong.

Sa ngayon ay dama ko ang mga side effects na dulot nito sa akin, may mga pagkakataong akoy natutulala, nawawalan nang gana, napapaluha, nagsisisi, sana noon ko pa dapat naisipang maghanap, magparamdam, o kaya ay humanap nang paraan upang makausap sila, e di sana nandito pa siya, nagkausap, nagawan nang paraan, at muling nabuo ang samahan..

Ang dami kong naiisip sa ngayon, ang dami kong mga pagsisisi subalit wala na akong magagawa pa, marami akong dapat na ginawa, subalit wala nang saysay ang pagsisisi...

Ang sabi nga nila, "tuloy pa rin ang buhay", mahirap magsimula, mahirap hagilapin kung saan ka ba dapat magsimula, pero dapat mong ituloy ang paglalakbay...

"Tigilan mo nga ang kalokohan mong yan!", yan ang palagi kong naririnig sa kanya noon, lalo na at may mga kagaguhan akong naiisip, mga katagang kaytagal kong ninais na muling marinig, at ang realisasyon na hindi ko na ito muli pang maririnig mula sa isang kaibigang tunay na nagmamalasakit ay tunay na napakasakit.

Nais kong ihingi nang paumanhin ang aking kadramahan, subalit hindi ko maitago ang aking pagdaramdam, kailangan ko itong ilabas, kailangan ko itong iiyak...

Nagpapasalamat ako sa mga nakakaintindi, at humihingi ako nang paumanhin sa mga nakakaisip na ito ay kadramahan lamang.

Sa mga magkakaibigang nawalay nang matagal na panahon, subalit sa puso nyo ay alam nyong ang pagkakaibigan ay hindi nabago nang panahon, nang hindi pagkikita at nang kawalan nang komunikasyon. Nais kong sana ay gumawa na kayo nang paraan upang ang sakit at pagdaramdam sa aking puso at isipan ay hindi ninyo maranasan.

Sa aking kababata at pinakamatalik na kaibigan, patawad, sana kung nasaan ka man maligaya ka, ang alaala mo ay nakatatak na sa aking isip at puso magpakailan pa man.

Patawad... patawad kaibigan...

Saturday, April 18, 2009

Barkada, Samahan... nasaan na kaya sila?


Naglinis ako nang kuarto ko kanina, mejo magulo na kasi, sangkaterbang memorabilla na kung saang saang lupalop nang aking mga pangarap ko binili, mga regalo, mga harbat, at kung ano ano pa.

At sa kakahalungkat, nakita ko rin sa wakas ang matagal ko nang hinahanap na photo album nang aming barkada.

Nakakalungkot isipin na wala na kaming balita sa isat isa. Tatlo lang kaming mga magbabarkada simula sa highschool kayat sobra ang closeness namin sa isat isa. The Three Muskeeters ang tawag namin noon sa aming samahan. Iba iba ang naging course namin nung college pero iisa lang school namin kaya okey lang, patuloy pa rin ang kulitan at talagang mejo napapatulo luha at uhog namin nang graduation na at pinatutug pa ang "Goodbye to you my friend, well see each other again.....", Tinginan lang kami noon, walang imikan alam kasi namin di na katulad nang dati, kelangan na naming maghanap nang trabaho, may mga responsibilidad nang nakaatang sa aming mga balikat at kelangan na naming maghiwahiwalay nang landas.

Nakatawang isipin ang huling reunion naming tatlo bago ako lumuwas nang maynila, tawanan kami nang tawanan habang tumutulo mga luha namin habang nagpapaalaman sa tabing ilog nang rio chico, natutuwa kasi may maipagyayabang nang diploma pero nalulungkot dahil buwag na ang samahang binuo nang sangkaterbang red horse, pinagdikit nang sandamakmak na yosi at pinagtagpi tagpi nang sangkaterbang kalokohan.

Tawa lang kami nang tawa dahil nagkakahiyaan kaming humagulgol pero talagang tulo ang mga luha namin at puro pigil na hikbi lang ang pwede naming ilabas, kayat ibinunton nalang namin sa sangkaterbang red horse ang lahat hangang makatulog sa kalasingan, hangang ngayon kapag naalala ko ang paalaman naming yun naluluha pa rin ako, at nakakapanghinayang dahil pagkalipas nang sampung taon wala pa rin kaming comunikasyon sa bawat isa.

Naghanap na ko sa friendster, facebook, tagged, multiply, at kung saan san pang site sa internet, pero wala akong makitang ni anino nang mga loko, parang napagiwanan na yata sila nang panahon at parang hindi yata marunong gumamit nang computer at internet. Nakakainis at nakakafrustrate.

Sabi namin noon sulatan kami kasi nga mahal pa ang cellphone at wala pang text, di pa din uso ang mga e mail, pero nakakalungkot dahil nang maghiwahiwalay kami nang gabing yun wala na rin akong naging balita sa kanila.

Ang sarap balikan ang mga nakaraan, pero kasama nang mga magandang alaala ay mga luhang tutulo dahil sa bawat magagandang alaala may mga di maiiwasang bagay at tao tayong maaalala, at ako miss na miss ko na ang aking barkada, ang aming dating samahan. Mabubuo pa kayang muli ang Three Muskeeters?





Tuesday, April 7, 2009

(BRB) emo mode muna...


Bakit kaya ano? dumarating tayo sa mga pagkakataong parang pagod na pagod ka na? Yun bang tipong isang hakbang pa at babagsak ka na.

Ang dami mo pang nais gawin pero di na kaya nang iyong katawan, gusto mo mang matapos ang iyong mga nasimulan pero wala na, ubos na ang iyong lakas at di ka na makakilos. Uupo ka na lang ba at hayaang lumipas ang oras?

Masarap magpahinga kaibigan, ang hindi muna magisip at hayaang gumalaw ang mundo nang di ka kasama, subalit kapag napagiwanan ka na nang panahon, may lakas ka pa kayang humabol?

Napakabilis na nang pagikot nang mundo ngayon, minsan ka lang malingat ay malayo na ang iyong dapat habulin, paano nalang kung hahayaan mong lumakad ang panahon na hindi ka kasama? May lakas ka pa kayang habulin ang nagdaan?

Nakakalungkot mang isipin subalit wala na tayong panahong magpahinga. Wala na ang mga panahong pwede kang maupo at magmuni muni at isipin ang bukas. Ang bukas ay naririto na, kailangan mong lumakad, lumaban o mapagiiwanan ka nang panahon.