Sabi nga nila libre namang mangarap kayat kung may pagkakataon ka at mangangarap, lakihan mo na at taasan, libre naman yun at bawat tao ay may karapatang gawin yun.
Pero kapag nangarap ka gumalaw ka at maghanap nang mga paraan upang ang iyong mga pangarap ay magkaroon nang buhay at maging katotohanan.
Ang mga pangarap mo ang siyang magbibigay sa iyo nang lakas at tibay upang lumaban sa mga unos nang buhay, at upang tumayo ka at patuloy na humakbang sa tuwing ikaw ay madadapa para makamit at tuluyang buuin ang mga ito.
Lumaki ako sa bukid, malayo kami sa kabihasnan, matatanaw mo na ang bundok nang Sierra Madre sa Kanluran at ang ilog nang rio chico naman ang pumapaligid sa aming nayon sa iba pang direksyon.
Masarap mabuhay sa bukid. Walang problema at higit sa lahat malinis ang hangin at libre ang mamasyal, subalit mahirap ang buhay sa nayon. Maraming pagkain kung masipag ka subalit walang pera na pwedeng ipantustus sa mga iba pang pangangailangan.
Bata palang ako sabi nila ay ambisyoso na daw ako, di ko rin masabi kung papano at bakit nila nasabi yun pero sa palagay ko ay tama sila. Mahal ko ang bukid na aking nilakihan subalit ayokong manatili dito habang buhay. Gusto kong maglibot sa iba pang lugar, at tumuklas ng mga bagay bagay na di ko pa nasisilayan sa aming nayon at ang maglakbay sa iba pang sulok nang daigdig.
Subalit ang buhay ay hindi isang palabas sa sine na laging may masayang kwento at katapusan, na ang bida ay palaging nananalo at nakakamit kung anuman ang kanyang naisin.
Nangarap ako, nadapa, at bumangon subalit di ko pa rin nakakamit ang aking mga pangarap. Nasa kalagitnaan pa rin ako nang paglalakbay at alam ko marami pang hirap at pasakit ang aking mararanasan bago ko makamit ang tagumpay na aking inaasam.
Mahaba pa ang aking lalakbayin subalit sa aking pagbabalik tanaw ay dito ko nakilala ang mga taong naghangad na makamit ko ang aking inaasam na tagumpay, Sa paglalakbay na ito nakasabay ko at naging kaibigan ang mga katulad ko rin nangangarap.
Marami akong nakakasabay at naging kaibigan, ang ilan ay dumaan lang at tuluyan ring lumisan subalit may mga ilan na gumagabay pa rin at tumutulong pa rin upang marating ko ang aking mga pangarap.
Sana lahat nang tao ay mangangarap din at tatahak sa daan patungo sa lugar nang mga buong pangarap, mahirap ang daang ito at marami ang hindi na ipinagpapatuloy pa ang kanilang paglalakbay, subalit sa twing lilingon ka sa iyong pinangalingan ay makikita mo ang mga taong iyong nakasabay, tumulong at nakipagagawan sa iyong pangarap.
Salamat at kahit papaano ay patuloy pa rin ako sa paglalakbay at alam ko mararating ko rin ang dulo at makakamtan ko rin ang aking mga pangarap.