Tuesday, March 31, 2009

Isa ka ba sa Kanila?


May trabahao ka ba? estudyante o kaya ay miyembro nang isang organisasyon? O kahit na anong uring grupo na merong leader, o sinumang naatasang hahawak nang mataas na tungkulin.

Tumingin ka sa paligid mo lalo na kapag ikaw ay nasa trabaho, pansinin mo lang pero huwag mong pakatitigan at baka masisante ka kasalanan ko pa. Pansinin mo kung papanong ang ibang tao ay gagawin ang lahat upang mapalapit sa kung sino mang nakaupo sa trono o sa sino mang humahawak sa pinakamataas na posisyon.

Yung iba para lang mga tuta kung maging sunud sunuran at makapaglambing sa boss para lang mapansin at dahil kapag napansin nga naman ay talagang"swak na swak" na agad sila sa posisyon kahit di naman qualipikado at ang alam lang e magtimpla nang kape at kwentuhan nang kalokohan ang bossing.

Nakakatawa ano? walang alam pero ang hawak na posisyon ay mataas at sensitibo, kayat kadalasan ang resulta ay puro walang silbing desisyon na karaniwang pumapalpak at ang itinuturong may kasalanan? Ang kanyang mga tauhan.

Maraming ganyan sa Pinas, luminga linga ka lang at buksan ang mata, marami kang makikita at sigurado ako, isa sa mga ito kilala mo, boss mo, kaibigan, kaaway o kaya ay ikaw mismo.

Madali lang naman silang makilala at makita, sila yung mga animo'y tuta na laging nakabuntot sa boss, maaring nasa posisyon na, o nagaambisyon palang at kadalasan sila yung mga walang laman ang utak at di makuha ang posisyon sa kalidad nang trabaho kaya't dinadaan na lamang sa pagpapalapad nang papel, tagasumbong, reporter, mata nang may ari o boss at walang alam isagot kundi "Yes Sir" o kaya ay "Yes Maam".

Nakakalungkot isipin na ang mga taong may utak, at de kalidad ang trabaho ay naisasantabi dahil lamang sa mga taong mapapel, sipsip at mapanlinlang, dahil nga sa alam nilang di sila makalaban nang patas kayat naghahanap sila nang paraan upang mapabango ang kanilang pangalan at makuha ang kanilang inaasam na posisyon kahit na magtipla lang nang kape ang kanilang alam.

Napansin ko lang ito at naisipang isulat, kung nasaktan kita dahil isa ka sa mga taong aking nabangit ay patawad, pero sana ay mabuksan ang iyong isip at gumawa nang tama, lumaban nang patas at huwag ambisyunin ang di kaya nang utak, pero pwede mong hasain ito para maging mas matalas at magiging mas matamis ang ganti nang bukas.



Sunday, March 29, 2009

Walang Basagan ng Trip..




Bakit kaya no? kapag nangarap ka dapat mataas, dapat yung matayog dahil kapag nalaman nang ibang tao ang pangarap mo at sa palagay nila ay mababa pagtatawanan ka, lalaitin o kaya ipagkakalat na walang kwenta ang pangarap mo.

Nakakatawang nakakainis kung minsan diba? nangangarap ka na nga lang babasagin pa nila ang trip mo.

Hindi ba nila maintindihan? ito ang trip mo at ito ang gusto mo pero dahil hindi pumapasa sa kanilang panukat lalaitin ka at kukutyain, ang labas tuloy basag na basag ka.

Parang ang sarap nilang sigawan, tadyakan, at tadtarin nang pinong pino tapos isasaboy sa hangin at tuluyang mawala sila sa iyong paningin.

Pero on second thought (naks inglis yan boy) may tama naman sila e, mangangarap ka na nga lang chipipay pa, e libre naman kaya yun , walang kondisyon pero ang di nila maintindihan trip mo yan at kahit mababa yun sa kanilang paningin kung diyan ka sasaya e di yun ang sundin mo.

Ang mahalaga natuto kang mangarap, at kapag may pangarap ka at may gusto kang maabot matututo kang gumalaw at humanap nang paraan upang makamit kahit na gaano man kababa o kaliit nang pangarap na yan.

Ngayon sabihin mo sa katabi mo "Walang Basagan ng Trip". kanya kanyang baltik lang yan..

gets mo? hehe

Ang aking Kape at Yosi


Makalipas ang mahaba habang deliberasyon, argumento, at ang tila walang hangang pagtitig sa kawalan, narating ko rin sa wakas ang isang konglusyon.

Alam ko na gagawin sa aking bagong blog na "KAPE AT YOSI". (wow malaki at mabuting balita ito.)

Ang aking isang blog ang "COFFEE BREAK" ay isang blog na pwedeng sabihing wholesome at dito naipapakita ko ang aking isang side bilang mabait na nilalang. Ang problema nga lang hindi naman sa lahat nang pagkakataon ang tao ay mabait, masunurin, masipag, in short anghel sa lupa.

Kyat sa aking pagmumuni muni ay naisipan ko rin sa wakas na dito sa "KAPE AT YOSI" ko nalang ipapakita ang aking pagka maldito, usisero, tsimoso, at kung ano ano pang kapilyuhan. sa maikling pananalita demonyito pero slight lang naman kaya di na kailangan ang parental guidance.

Kayat gudlak nalang at sana kahit papano makapaghatid ako nang ngiti sa iyong mga labi...

Saturday, March 28, 2009

kape at yosi


Bata pa lamang ako natuto na akong magkape, lumaki kasi ako sa bukid, at sa bukid tuwing umaga at walang ulam uso ang kape na isasabaw sa kanin para sa agahan, pwede nang pagtyagaan at pwede nang lamang tyan yun hangang umabot ang tanghalian.

Sa amin ang kape "barako" talaga hindi katulad nang mga iniinum ko ngayon dito sa manila puro instant, at ang kapeng probinsya may halong pagmamahal. Buto lang yun nang kape na inaani ni nanay sa likod bahay, tapos binibilad ni tatay sa bubong pag natuyo na tatangalan namin nang mga balat tapos ibibilad ulet at saka isasangag ni nanay na kapag naluto na ay binabayo ni tatay na kapag naging pulbos ay siya namang iluluto ni nanay sa umaga na siya naming iniinum sa umagahan at kung minsan at wala talagang maulam e pwede na rin yun lalo na kapag sinangag na kanin ang hain ni nanay.

Walang kasing sarap, at namimiss ko nang todo yun. yung masarap na samyo nang kape na siyang gigising sa iyo sa madaling araw, na siya ring magiinit sa malamig mong sikmura, haaay..

Ang sarap balikan yung mga panahong yun, nung medyo bata ka pa walang pakialam sa mundo makapaglaro lang okey na.

Ang hirap lang kapag tumatanda ka na, dumarating na ang mga responsibilidad at sa ayaw man o gusto mo kailangan mong harapin yun.

Pero mabigat man o magaan ang responsibilidad na iniatang sa iyo di makukumpleto ang araw kapag walang kape, sa umaga, sa tanghali, at sa meryenda at kung minsan nga kung trip mong magpuyat dahil may tinatapos kang trabaho, project, o kaya ay nagrereview isang takuring kape ang kasama mo sa pagpupuyat, at kadalasan kapag may hawak kang kape may sindi ka ring yosi.

Ewan ko ba kung bakit masarap pagsabayin ang dalawang ito, pero pansinin mo lang sa paligid mo, luminga linga ka at makikita mo ang katotohanan nang sinasabi ko.

Maraming nagsasabing di daw maganda ang yosi at kape, dahil ang kape merong cocaine at ang yosi naman ay pero nicotine, pero sabi nga nila masarap daw ang bawal, pero ang masasabi ko lang moderation lang ang kailangan.

Isa lang ang natitiyak ko kung saan saan na napunta ang sinusulat ko na binabasa mo. Gusto ko lang naman sanang ipakilala ang blog ko.