Mahilig akong magkape, isa ito sa mga hindi ko nakakalimutang inumin sa loob nang isang araw, subalit sa dinami dami nang kapeng nagsulputan sa mundo, iisa lang talaga ang masasabi kong napamahal na sa akin at miss na miss ko na sa ngayon, ang kapeng barako na pinapakuluan ni tatay sa madaling araw gamit ang kanyang mahiwagang takuri at kalan na sabi niya ay ginatungan niya nang pagmamahal kayat masarap ito kahit mapait pait ang lasa pero punong puno nang init.
Bata pa lang ako, mahilig na akong magkape at dahil nagpadala naman ako sa mga pambobola ni tatay, ayun tuluyan akong naadik sa kanyang mahiwagang kape na sinabayan nang sinangag at kung ano anong pwedeng iulam sa umaga bago kami pumasok sa paaralan.
Para tuloy hindi kumpleto ang araw ko kapag hindi ako nakatikim nang kanyang mahiwagang kape, at talagang nagmamaktol pa ako noon sa umaga kapag nahuli siya nang gising at hindi nakapagpakulo nang kanyang mahiwagang kape.
Nakakatuwang balikan ang mga ala alang hatid nang kape sa aking buhay, at hindi ko tuloy maiwasang ngumiti kung minsan habang humihigop ang kape sa opisina na hindi kasing sarap nang mahiwagang kape na luto nang aking tatay.
Kadalasan instant ang mga kapeng naiinom ko ngayon, yung tipong ilalagay mo lang sa tasa, bubuhusan nang mainit na tubig, presto may kape ka na. Hindi katulad nang kape nang aking tatay na binabantayan niyang kumulo muna ang tubig bago niya lagyan nang pulbos nang kape na una niyang niluto, giniling at inimbak sa garapon na sabi niya ay para lalong bumango at sumarap dahil hinahaluan niya ito nang pagmamahal, at sabi pa niya huwag daw naming sasayangin ang kape niya dahil parang sinayang din namin ang kanyang pagmamahal.
Pasok na pasok naman ang kanyang mga pambobola sa aming magkakapatid, minsan pa nga nagkakasumbungan dahil hindi namin inuubos ang kapeng tinimpla niya. Minsan nagagalit siya, minsan naman tawa lang siya nang tawa, minsan naman tinatakot niya kaming hindi na siya magluluto nang mahiwagang kape niya, tatahimik naman kaming magkakapatid at magsisisihan kung bakit nagsumbong pa, o kaya ay bakit kasi hindi inubos ang kape niya.
haaay.. nakakamiss talaga.
Malayo ang eskwelahan sa bahay namin, kailangan pa naming tumawid nang ilog at maglakad nang halos isang kilometro mula sa pampang nang ilog bago kami makarating sa paaralan, kayat kailangan naming gumising nang maaga para hindi malate sa flag ceremony.
Kadalasan hindi pa sumisikat ang araw ay hinahatid na niya kami sa pampang nang ilog at itinatawid niya kami gamit ang kanyang maliit na bangka na ipinasadya talaga upang makatawid kami nang hindi na kailangan antayin pa ang bangkero na kadalasan namang tanghali na kung gumising.
Malamig ang madaling araw sa probinsiya at kadalasan ang tanging baon naming panlaban sa lamig ay ang init nang kanyang tinimplang kape na sabi niya ay puno nang pagmamahal.
Nangingiti ako kapag naiisip ko ang mga pambobolang yun ni tatay na swak na swak naman sa aming mumunting isipan, ngayon kung minsan nagigising ako sa madaling araw na hinahanap hanap ang aroma nang kapeng barako na lagi kong nasasamyo at gumigising sa akin na sa mahabang panahon ay nagsilbing alarm clock sa aming magkakapatid, yun bang tipong kahit tulog na tulog ka bastat naamoy mo ang kapeng barako mapapatayo ka dahil baka maubusan ka, patay kang bata ka, wala kasi yung second batch at no refill pa hehehehe.
Matagal tagal na rin akong hindi nakakauwi sa probinsiya dala na rin nang mga responsibilidad at trabahong hindi maiwan iwan, subalit walang araw na nagdaan na hindi ko naiisip at inaasam na muling matikman ang kapeng tinitimpla niya na nagbibigay enerhiya sa aming lahat sa madaling araw.
Ngayon masisisi mo ba ako kung bakit mahal na mahal ko ang kape?
2 comments:
Lovin it lol . .mahilig ka talaga sa kape ha? buti naman at nakakatulog ka pa hehe take coffee in moderation pare and take care of your self. Have a great day=)
my blog, healthy flat
may mga bagay kasing nagbibigay sa atin nang mga magagandang alaala at hindi nating maiwasang mahalin ang mga ito dahil kadalasan sa mga alaalang ito tayo kumukuha nang lakas..
thanks sa comment...
Post a Comment