Friday, May 15, 2009

Kapamilya Kapuso Katrabaho....


Ang trabaho ay itinuturing na nating second family, mas marami na nga tayong nauubos na oras sa ating workplace kesa sa sariling bahay kung minsan diba? Lalo na kapag super daming trabaho at di maiiwasang mag over time.

At hindi rin maiiwasan na may mga katrabaho ka na mas may edad pa sa iyo (pasensiya na kung ikaw ang pinakamatanda, malas mo eheheks…) at hindi rin maiiwasan na nakakabuo tayo dito nang pamilya, may mga tatay tatayan o kaya ay nanay nanayan tayo, may mga kuya kuyahan, ate atehan, at kung minsan meron ding mga asawa asawahan. (aheheheks…)


Sila yung mga itinuturing ka na ring parang tunay na kapamilya nila, sa kanila mo naibabahagi ang iyong mga suliranin, mga halakhak, luha at pati na nga galit kung minsan.


Sila yung mga nagbibigay sa iyo nang pangaral, at nagaalala tuwing napapatawag ka sa opis ni GM kasi may bulilyaso ka na naman, o kaya ay nagpapaalala sa iyo na ang pasok ay 6 days a week at ang day off ay isang beses lang isang lingo, na ang birthday leave ay minsan lang sa isang taon, at ang sickleave kapag may sakit ka lang at hindi tuwing naiisip mong may sakit ka. Sila yung nagsasabing mataas na ang files nang folder sa mesa mo at kailangan mo nang tapusin ang pakikipag chat, pagsilip sa mga profiles nang ka Friendster, ka Facebook at kung ano ano pang mga kabalbalang pinag gagawa mo tuwing office hours katulad nang pagdownload nang mga kanta sa Limewire para sa iyong mp3. In short sila yung tumutuwid sa baluktot mong pananaw na hindi ka nababayaran nang tama kaya di ka rin nagtatrabaho nang tama.

Masarap magtrabaho kung ang mga kasama mo ay may malasakit sa isat isa, yung buo kayo, matatag at ang problema nang isa ay ramdam nang bawat isa, at ang nais ay isulong pataas ang grupo at hindi kanya kanya lang, isang pamilyang kapuso.

Matagal kong pinangarap ang ganitong work place, yung may malasakit sa bawat isa, yung tiwala nyo sa isat isa na susuportahan ang bawat isa ay matatag, at yun ang nagbibigay sa inyo nang sidhi upang umusad pataas para mahila mo rin sila pataas, yung isang grupo na ang nais ay mapaunlad di lang ang kanilang sarili kundi ang kanilang binuong pamilya sa pamamagitan nang bigkis nang trabaho.

Isipin mo nalang kung ang grupong nasalihan mo ay puro sarili lang nila ang nais na itaas, na sila lang ang gustong mapuri hindi na inaalintana kung may natatapakan sila basta’t ang mahalaga siya ang nakikita at siya ang palaging tama.

Masakit isipin subalit kung minsan hindi maiiwasang may mga taong makasarili, at kapag ang grupo napasukan nang isang taong sarili lamang ang naiisip, nawawala sa tamang landas ang grupo at napapariwara, nagkakanya kanya at nabubuwag ang magandang nasimulan, lalo na kapag ang taong lumihis sa landas ay ang pinakapangulo nito.

Hindi ako nagmamagaling dala na lang siguro ito nang ibat ibang karanasan ko sa trabaho, mula sa pagiging crew cashier nang Jollibee, sa pagiging diskjokey sa radio, ahente nang alak, mula sa mga pagtawag tawag sa callcenter, pagaayos nang mga plano nang bahay na ipinadadala sa japan, sa grocery at ngayon sa hotel naman.

Hindi kalakihan ang hotel na pinapasukan ko ngayon at hindi rin kalakihan ang sinasahod ko, pero Masaya ako dito, dahil may nabuo kaming pamilya, may nanay nanayan ako, meron din akong tataytatayan, meron din akong yaya, meron akong mga tinuturing na mga kapatid, at meron din akong sariling anak anakan higit sa lahat meron akong fairy god mother, at fairy god lola na aking kinukulit, inaaway kung minsan, sinusungitan pero kahit papano kasama na sila sa pamilyang nabuo ko sa trabaho at yun ang mahalaga.

Gaano man kahirap, kakumplikado, at kasintunado ang mga trabaho niyo kung isa kayong pamilya, nagtutulungan, nagkakaisa, at nagkakasundo ay bale wala ito, natatapos sa oras, nagagawa nang tama at higit sa lahat, umaangat ang grupo.

Pero kapag kanya kanya, walang tulungan, wala ding patutunguhan, ang iba tapos na, ang iba napuri na, pero yung iba kinawawa naman, wala din, walang asenso at dito na papasok ang crab mentality, hilahan pababa, turuan kung sinong may kasalanan at agawan nang credit kapag may magandang nagawa.

Kung nagsisimula ka nang magsawa sa trabaho mo, dala na rin nang iba ibang dahilan bakit di mo subukang simulang baguhin ang nakasanayan nyo na? simulan mong bumuo nang isang pamilya, mahirap sa simula, pero makikita rin nilang may magandang patutunguhan ang sinisimulan mo, lahat tayo ay may gustong marating at ang tunay na tagumpay ay mas matamis kapag pinagsasaluhan, na masaya ang lahat dahil alam nila at alam mong kasama mo sila sa pagunlad, hindi yung iniisip nila na nakamit mo ito dahil sumipsip ka lang, inangkin mo ang kanilang mga ginawa at tinapakan mo sila upang ikaw ay makita, mapromote at mabigyan nang parangal.

siya, salamat sa pagbabasa kaibigan... sana saan ka man nagtatrabaho, masaya ka, tulad ko, tulad namin nang binuo naming pamilya.

(...chhhhhiiiiiiingggg.... barya ko yun nahulog... eheheheks.....)





2 comments:

Rhodey said...

wow... ang haba pala nito? hehehe masyado akong nadala...

Anonymous said...

ang totoo.. nahirapan ako mag comment..
kase parang nakaka touch na nakakatawa rin cya..
pero higit sa lahat, sana di naman ako yung pinaparinggan sa pakikipag chat at kung ano ano pang kababalaghan na pinag gagawa.. hahah..
o yan ang ganda ng comment ko huh.. wla ng magcocomment dapat..

grrrrrrrrr